Wednesday 9 September 2015

KILABOT SA CAMARINES NORTE , ARESTADO!

Kalabuso ngayon isang lalaki na taga Camarines Norte na kinilalang si Ramil Padua Trinidad sa isinagawang operation ng pinagsanib pwersa ng mga awtoridad mula sa Camarines Norte at Tiaong, Quezon bandang alas 7:00 ng umaga kanina.

Ayon sa mga awtoridad si Ramil Padua Trinidad ay warrant of arrest kaugnay sa patong-patong na kasong kinakaharap gaya ng Robbery with Homicide with criminal case no. 15064 issued by RTC Br. 38, Daet, Camarines Norte, kasong Direct Assault with criminal case no. 12i-8346 na inisyu ng MTC Labo, Camarines Norte,  kasong Robbery with Violence or Intimidation of Persons with criminal case no. 15915 na inisyu naman ng RTC Br. 41 Daet, Camarines Norte.

Nabatid na Rank No. 1 most wanted person sa Camarines Norte si Ramil Padua Trinidad na matagal ding nagtago sa batas na maswerteng nasakote kanina sa Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon.

Napag-alaman din na ang suspek ay kabilang sa robbery gang na sangkot umano sa pagnakaw ng umaabot sa 1,082,361.47 pesos na payroll ng DPWH Camarines Norte noong October 24, 2013.

Ang pagkaka aresto kay Ramil Padua Trinidad ay bunga ng pinag-igting na Lambat Sibat ng DILG at PNP.

Samantala, nagpaabot naman ng komendasyon si PSSupt. Harris R. Fama, Office In Charge ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa mga operatiba ng batas na nagtulong-tulong para madakip ang umano'y kilabot at wanted sa Camarines Norte.

55 ANYOS NA PADRE DE PAMILYA, NAHAHARAP SA KASONG VIOLENCE AGAINST WOMEN AND THIER CHILDREN ACT OF 2004

Kulong ang isang 55 anyos na padre de pamilya na kinilalang si Roberto Benitez y Babasa, residente ng P-9 Brgy. Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Ayon sa mga awtoridad, si Benitez ay nahaharap sa dalawang kasong paglabag sa RA 9262 o Violence against women and their children act of 2004.

Una rito, isang warrant of arrest ang ipinalabas ng korte sa sala ni Hon.  Evan D. Dizon, presiding judge ng RTC Br. 40 Daet, kaugnay sa nasabing kaso na may criminal case no. 16694 and 16695.

Ayon sa korte, ang kaso ni Benitez ay may bail recommended na 80,000.00 pesos bawat isang kaso para sa pansamantalang kalayaan nito  na ngayon ay patuloy na humihimas ng bakal na rehas sa detention facility ng Jose Panganiban PNP.

Nabatid na rank no. 3 sa talaan ng nasabing istasyon ng pulisya ang suspek ngayon buwan ng Setyembre sa kanilang Lambat Sibat na maswerteng nalambat bandang alas 11:30 kahapon ng tanghali.


LALAKI SA BAYAN NG DAET, PINAGTATAGA! SUSPEK TUMAKAS

Mabilis na isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ang isang lalaki na kinilalang si Edwin J. Sacriz, 33 anyos residente ng P-3, Brgy. Dogongan, Daet, Camarines Norte matapos itong pagtatagain ng suspek na kinilalang si Dennis Beraquit, residente rin  ng nasabing lugar  bandang alas 11:00 kagabi.

Agad namang tumakas ang suspek matapos ang kanyang pananaga sa nasabing biktima na tinamaan sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Sa ngayon, patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek at inaalam rin kung ano ang motibo ng pananaga.

STREET DANCING COMPETITION SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE, DINAGSA NG MGA MANUNUOD! ILANG CONTINGENT AT MANUNUOD NAHIMATAY SA SOBRANG INIT!

Dumagsa ang mga manunuod mula sa ibat ibang lugar sa Camarines Norte sa isinigawang Street Dancing Competition kahapon sa bayan ng Labo, Camarines Norte bilang bahagi ng pagdiriwang ng 17th Busig on Festival at 215 Foundation Anniversary.

Umaabot sa 16 na mga contingent mula sa ibat-ibang paaralan sa bayan ng Labo, Camarines Norte apat dito ay High School kung saan nagpakita ang mga ito ng ibat ibang galing sa pagsayaw at talento ganun na din ang kanilang mga ginamit na mga kakaibang props.

Kung saan ang mga nanalo sa Elementary Category ay kinabibilangan ng mga sumusunod na paaralan;

1. CHAMPION-  Tulay na Lupa Elementary School na tumanggap ng 200,000.00 pesos worth of infrastructure project.
2. 2ND PLACER - Daguit Elementary School na tumanggap ng 150,000.00 pesos worth of infrastructure project.
3. 3RD PLACER - Bulhao Elementary School na tumanggap ng 100,000.00 pesos worth of infrastructure project.

Best in customs and Best in Props din ang Tulay na Lupa Elementary School habang Best in Busig-on Character ang  Bulhao Elementary School.

Sa Secondary Category naman tinanghal na Champion ang paaralan ng Dumagmang High School kung saan tumanggap din ng halagang 200,000.00 pesos worth of infrastructure project. 2nd Placer naman ang Tulay na Lupa National High School na tumanggap ng 150,000.00 pesos worth of infrastructure project. 3rd Placer naman ay ang paaralan ng Aniceta De Lara F Pimentel High School na tumanggap ng halagang 100,000.00 pesos worth of infrastructure project.

Best in Busig-on Character naman ang Tulay na Lupa National High School habang Best in customs at Best in props ay ang paaralan ng Dumagmang High School.

Samantala, ilan sa mga contingent at manunuod ay nahimatay sa kasagsagan ng okasyon dahil narin sa sobrang init ng panahon at siksikan ng mga manunuod.

Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaang bayan ng Labo, Camarines Norte sa mga magulang, guro at estudyante sa pakikiumisa ng mga ito sa nasabing gawain.

Ang 17th Busig-on Festival ay isinagawa simula September 1 at nagtapos ito kahapon September 8, 2015 na may temang Busig-on..17 na! Patuloy ang Tuwa at Saya, Patuloy ang Daloy ng Pag-asa.




PAGLALAGAY NG DALAWANG TERMINAL, NAKATAKDANG IPATAYO NG LOKAL NA PAMAHALAANG BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE SA SUSUNOD NA BUWAN

Nakatakdang ipatayo ng lokal na pamahalaang bayan ng Labo, Camarines Norte ang dalawang terminal para sa mga sasakyan na pumapasada sa lugar sa susunod na mga buwan.


Ito ay ang Central Terminal para sa mga malalaking sasakyan at Tricycle Terminal para naman sa mga namamasadang tricycle sa bayan ng Labo, Camarines Norte.


Ayon kay Mayor Joseph V. Ascutia, ang Central terminal ay itatayo sa may bahagi ng barangay Kalamunding habang ang terminal para sa mga tricycle ay sa Labo Public Market.


Sinabi rin nito na may sapat na pondo na ito sa pagpapatayo na inasahang maisasakatuparan ngayon taon.



Ang construction ng nasabing terminal ay bahagi ng pagsasaayos ng daloy ng trapiko sa lugar dahil sa kasalukyan ay marami sa mga sasakyan sa bayan ng Labo ay wala pang mga sariling terminal bagay na sosolusyunan ni Mayor Joseph V. Ascutia.

DAHIL SA SAKIT NA PSORIASIS, 48 ANYOS NA PADRE DE PAMILYA NAGPAKAMATAY SA BAYAN NG JOSE PANGANIBAN, CAMARINES NORTE

Isang 48 anyos na padre de pamilya ang kusang nagpasalubong kay kamatayan dahil sa matindi umanong depression sa sakit na psoriasis.


Kinilala ng mga awotiridad ang biktima na si Danilo Lascano y Brondia, residente ng P-5 Brgy. Sta. Rosa Norte, Jose Panganiban, Camarines Norte.


Una rito, natagpuan ng pamangkin ng biktima ang wala ng buhay nitong katawan na nakabitin umano sa loob mismo ng kwarto nito.


Ayon naman sa salaysay ng kapatid ng biktima sa himpilan ng pulisya na si Josephine Base y Lascano, dumaranas umano ng sakit na psoriasis ang kanyang kapatid na posibleng naging dahilan ng pagpapakamatay nito.



Sa ngayon ay patuloy na pinaglalamayan ang labi ng biktima sa isang funeral homes sa nasabing bayan.

Monday 7 September 2015

31 ANYOS NA PADRE DE PAMILYA, KULONG DAHIL SA DALAWANG KASONG ESTAFA SA BAYAN NG VINZONS, CAMARINES NORTE

Kalabuso ngayon ang isang 31 anyos na padre de pamilya na taga P-1 Brgy. San Felipe, Basud, Camarines Norte dahil sa kasong estafa,

Kinilala ni Police Chief Inspector Andy Rosero, Acting Chief of Police ng Vinzons PNP ang suspek na si Ramon Villaluna y Meneses.

Si Villaluna ay may warrant of arrest mula sa RTC Br. 39, Daet, Camarines Norte sa pamamagitan ni Hon. Judge Winston Racoma kaugnay sa nasabing kaso ,dated August 14, 2015 na may criminal case no. 16898 and 16899  na may 26,000.00 pesos bail recommended para sa unang kaso at 60,000.00 pesos bail recommended para sa pangalawang kaso ng ngayon ay nasa kostudiya ng Vinzons PNP para sa kaukulang disposisyon.

Naaresto ang suspek bandang alas 7:30 ng umaga kamakalawa sa P-7 Brgy. Guinacutan, Vinzons ng pinagsanib pwersa ng Vinzons PNP at Basud PNP.


51 ANYOS NA LALAKI, KULONG DAHIL SA KASONG ACT OF LASCIVIOUSNESS SA BAYAN NG VINZONS, CAMARINES NORTE

Bagsak sa rehas na bakal ang isang 51 anyos na lalaki na kinilalang si Bedasto Cereno y Francisco, walang asawa at nakatira sa Anacleto St, Brgy. III, Vinzons, Camarines Norte dahil sa kasong Acts of Lasciviousness.

Ayon  sa mga awtoridad, ang suspek ay may warrant of arrrest na mula kay Hon. Judge Evan Dizon ng RTC Br. 40, Daet kaugnay sa nasabing kaso matagumpay namang naaresto dakong alas 7:00 kagabi sa nasabing lugar,

Samantala, 80,000.00 pesos naman ang inilaang piyansa ng korte para sa suspek para sa pansamantalang kalayaan nito na ngayon ay patuloy na humihimas ng bakal na rehas sa detention facility ng Vinzons PNP.



ISANG GINANG SA BAYAN NG DAET, CAMARINES NORTE, KULONG DAHIL SA KASONG ROBBERY

Kulong ang isang Ginang sa bayan ng Daet, Camarines Norte dahil sa kasong roberry  na may criminal case no. 16698.

Kinilala ng mga operatiba ng Daet PNP ang suspek na si Mercy Saavedra y Custodio, 27 anyos, walang asawa, residente ng P-4, Brgy. IV, Daet.

Inaresto ng mga awtoridad si Saavedra dakong alas 11:00 kagabi sa bisa na rin ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Roberto Escaro, ng RTC Br. 38 Daet kaugnay sa nasabing kaso na ngayon ay humihimas na ng bakal na rehas sa detention facility ng Daet PNP.

Halagang 24,000.00 pesos naman ang inirekomenda ng korte sa suspek na piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.


SEARCH FOR OUTSTANDING TODA OF LABO 2015, ISINAGAWA! RE; 17TH BUSIG ON FESTIVAL AT 215 FOUNDATION ANNIVERSARY NG BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Isinagawa nitong nakalipas na sabado ang search for outstanding TODA of Labo 2015 kasabay ng pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte.

Kung saan tinanghal bilang  Most Outstanding TODA of Labo 2015, Best in Financial Management, Most Disciplined TODA ay ang MATODA INC. (Masalong Tricycle Operators and Drivers Association Inc.) habang nakuha naman ng LABABURETODA (Labo Bautista Bukal resort Tricycle Operators and Drivers Association) ang pagiging Most Compliant TODA.

Best in Community Involvement naman ang LABULCATODA INC. ( Labo Bulhao Cabusay Tricycle Operation and Drivers Association Inc).

Tumanggap ang mga ito ng cash prizes, Plaque of Recognition at Gift Pack.

Ang nasabing search ay bahagi ng pagbibigay parangal sa mga TODA sa bayan ng Labo, Camarines Norte ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Joseph V. Ascutia.

BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE, TUMANGGAP NG PLAQUE OF APPRECIATION MULA SA NATIONAL HEADQUARTERS NG BJMP RE; SUPORTA NITO SA BUREAU

Tumanggap ngayong umaga kasabay ng isanagawang Flag raising ceremony  ng Plaque of Appreciation ang lokal na pamahalaang bayan ng Labo, Camarines Norte sa pamumuno ni Mayor Joseph V. Ascutia mula sa National Headquarter ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ito'y bilang pasasalamat sa LGU-Labo sa patuloy nitong  pagsuporta at pagbibigay ng mga proyekto sa Labo District Jail na malaki ang naitutulong sa ginagawang reporma ng nasabing Bureau sa mga inmates.

Ang nasabing Plaque of Appreciation ay pirmado ni Diony Dacanay Mamaril, Jail Director, Chief-BJMP.

Kung maalala, nitong nakalipas na buwan ay tinanghal sa pangalawang pagkakataon ang Labo District Jail bilang Regional District Jail of the Year dahil narin sa magandang pamamahala nito  sa loob at labas ng piitan ganun din ang pagbuhos ng mga benefactor at isa na nga dito ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Labo, Camarines Norte sa pamumuno ni Mayor Joseph V. Ascutia.



BB. TSUPER 2015, DINAGSA NG MGA MANUNUOD! PAG-RAMPA NG MGA CONTESTANT KINAGILIWAN!

Bumuhos ang mga manunuod  mula sa hanay ng transport sector at mamamayan sa isinagawang Bb. Tsuper 2015 nitong sabado ng gabi sa Labo Sport Complex.


Nasa 13 contestant ang naglaban-laban sa nasabing pageant kung saan pawang mga tricycle driver ang mga ito na pinili naman ng kani-knilang asosasyon ng mga tricycle sa lugar.


At gaya ng inaasahan hindi nagpa-awat ang mga manunuod sa katatawa at ganap na kasiyahan sa kakaibang pag-rampa ng mga kalahok sa intablado.


Pawang mga tunay na lalaki kasi ang mga kalahok at rumampa kung saan hindi sanay ang mga ito magsuot ng mga female dress ganun din ang mga bonggang-bogang mga high hills.
Kung saan tinangahal bilang;

Ø  4th runner-up si Swenson Ibia ng MALIBATODA
Ø  3rd runner-up si Romulo Mancer Espeso ng LAMASATODA
Ø  2nd runner-up si Aristotle Asis ng TUPRILATODA
Ø  1st runner-up si  Jomar Guzman  ng LABABURETODA

At ang tinanghal bilang Bb. Tsuper 2015 ay si FREDDIE LEOCADIO ng BASIKAMATODA na napaiyak pa dahil sa hindi inaasahan na s’ya ang  Kokoronahan  bilang Bb. Tsuper 2015.


LABO, CAMARINES NORTE, MULING NAKAPASOK SA GUINNESS BOOK OF WORLD RECORD SA PANGALAWANG PAGKAKATAON

Muling nakapasok sa pangalawang pagkakataon ang bayan ng Labo, Camarines Norte sa Guinness Book of World Record.


Ito’y matapos ma-break ang record ng Cauayan City, Isabela na may pinaka mahabang parada ng mga tricycle sa buong mundo sa record na 658 units ng mga tricycle subalit na tinalo ito ng bayan ng Labo nitong nakalipas na sabado kung saan ito na ngayon ang nakapagsagawa ng pinakamahabang parada ng mga tricycle sa buong mundo sa bilang na 955 units ng mga tricycle na nagparada sa kahabaan ng National Highway kasabay ng pagdiriwang ng 17th Busig on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte.


Tinawag ito ng lokal na pamahalaan bilang “TODA DAY” na may temang "BIDA SA MASA, BIDA SA KALSADA, TULOY ANG ARANGKADA".


Maliban sa longest parade ng mga tricycle, tampok din sa nasabing gawain ang Bb. Tsuper na 6 na taon ng ginagawa ng naturang bayan ganun din ang Tsuper Sportfest.


Dito, binibigyan ng pagkilala at pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan ang mga tricycle driver’s and operators dahil sa itunuturing itong mga bayani ng lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay serbisyo sa mga mamamayan.


Nabatid na may kabuang 20 Tricycle Operator’s and Drivers Associations (TODA’s) o katumbas ng 1,650 bilang ng mga pumapasadang tricycle sa bayan ng Labo, Camarines Norte.



Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaang bayan sa pangunguna ni Mayor Joseph V. Ascutia at Vice Mayor Severino H. Francisco Jr sa mga drivers and operators ng mga tricycle sa pagpapakita nito ng pakikiisa at pagtulong sa mga programa ng LGU’s  para makilala sa buong mundo.

Kung maalala, unang nakapasok ang bayan ng Labo, Camarines Norte sa Guinness Book of World Record nitong nakalipas na taong 2014 sa pamamagitan ng Longest Ginataan Cuisine sa kaparehong okasyon.


Ayon kay Mayor Joseph V. Ascutia, isa itong paraan para makilala ang bayan ng Labo sa buong mundo at upang makahikayat ng mga turista sa lugar.

MGA PANANIM SA 3 BAYAN SA CAMARINES NORTE, APEKTADO NA NG TAGTUYOT- OPAG CAMARINES NORTE

Dahil sa madalang na pag-ulan sa lalawigan ng Camarines Norte sanhi ng nagbabantang pagtama ng El Niño.


Tatlong bayan na agad ang nakapag sumite ng partial report sa Office of the Provincial Agriculturist ng Camarines Norte na apektado ng mainit na panahon na kinabibilangan ng mga bayan ng  San Lorenzo Ruiz, Basud at Mercedes.


Sa panayam ng Balitang Probinsya kay Melinda Jerez, Senior Agriculturist ng Office of the Provincial Agriculture, sinabi nito na pangunahing apektado sa nasabing mga bayan ay pawang mga pananim na palay.


Maging ang bayan ng San Lorenzo Ruiz na itinuturing na Little Baguio sa Camarines Norte ay apektado narin ng tagtuyot.


Pero nilinaw naman ni Jerez na malaki pa ang chance na maka recover ang mga pananim sa nasabing mga bayan.


Maliban dito, inaasahan  na madadagdagan pa  ang mga bayan na magsusumite ng mga reports na apektado ng tag-init sa mga susunod na araw.


Ganun pa man, wala naman daw kailangang ipangamba ang publiko dahil gumagawa naman daw sila ng mga pamamaraan para sa posibleng maging epekto ng El Niño partikular na sa sa sector ng agrikultura at patubig sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng National Irrigation Administration (NIA).



Malayo din daw sigurong  ideklara ang Camarines Norte sa state of calamity dahil  sa nakakaranas pa naman daw ito ng mga pag-ulan na ayon sa pag-asa ay isa ang lalawigan sa makakaranas ng posibleng tagtuyot na maaring tumagal hanggang sa susunod na taon.

Friday 4 September 2015

FARMERS CONGRESS, ISINAGAWA KAHAPON KASABAY NG PAGDIRIWANG NG BUSIG-ON FESTIVAL SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Isinagawa kahapon bilang bahagi ng pagdiriwang ng 17th Busig-on at 215th Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte ang Farmers Congress kung saan dinaluhan ito ng mga magsasaka mula sa bayan ng Labo.

Tampok sa nasabing gawain ang ibat-ibang pananim ng mga magsasaka sa naturang lugar.

Dumalo naman ang ilang opisyal ng lalawigan ng Camarines Norte gaya nina Vice Governor Jonah Pimentel, ABC President Ramon Baning, Vice Mayor Severino Francisco Jr at iba pang mga opisyal ng bayan.

Siniguro naman ng mga opisyal ng bayan na nakahanda ang pamahalaan sa posibleng pagtama ng El Nino sa Camarines Norte.

Dumalo rin ang mga kinatawan ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa pangunguna ni Arthur Banta, Provincial Senior Agriculturist OPAG Camarines Norte Melinda Jerez.

Hindi naman nakadalo si Mayor Joseph V. Ascutia sa nasabing pagtitipon dahil nasa Palasyo ng Malacanang ito kahapon para sa 20 milyong pisong project na mapupunta dito sa bayan ng Labo, Camarines Norte mula sa tanggapan ni Sec. Francis "Kiko" Pangilinan, Assistant for Food Security and Agricultural Modernization ng Office of the President.



DUGONG ALAY NI BUSIG-ON, TAGUMPAY!

Naging maayos ang turn out ng Dugong Alay ni Busig-On kahapon na pinagunahan ng Philippine Red Cross Camarines Norte Chapter sa pangunguna ni Josie Baning Tallado, Chairwoman ng Red Cross Camarines Norte Chapter.

Sa panayam ng Balitang Probinsya kay Ginang Josie Tallado, sinabi nito na maraming mga kababayan ang nag alay ng dugo kahapon na mula pa sa ibat ibang lugar sa bayan  ng Labo, Camarines Norte.

Tiniyak rin nito na sapat ang stock ng dugo sa Blood Bank sa Camarines Norte Philippine Red Cross.

Samantala, priority naman daw ng Philippine Red Cross ang mga taong nag donate ng dugo kapag ito'y nangailangan.

20 MILYON WORTH OF PROJECT MULA SA OFFICE OF THE PRESIDENTIAL ASSISTANT FOR FOOD SECURITY AND AGRICULTURAL MODERNIZATION, NAKATAKDANG ILAAN SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Nakatakdang mailaan sa bayan ng Labo, Camarines Norte ang halagang 20 milyong pisong pondo para sa ibat-ibang proyekto mula sa Office of the Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization.

Ito ang nabatid ng Balitang Probinsya mula kay Municipal Administrator Dr. Aida P. Francisco sa isinagawang Farmers Congress kahapon.

Ayon kay Admin. Francisco, tumungo kahapon si Mayor Joseph V. Ascutia sa tanggapan ni Sec. Francis Pangilinan para sa realization ng nasabing pondo na malaki ang maitutulong sa mga laboeno pagdating ng panahon.

Patuloy kasi ang pangangalap ni Mayor Ascutia ng pondo mula sa Palasyo ng Malacanang para sa mga proyekto sa bayan ng Labo, Camarines Norte na mapapakinabangan ng kanyang mga kababayan.

Kung matatandaan, ginawaran ng tanggapan ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region 5 ang bayan ng Labo, Camarines Norte ng Certificate of Recognition nitong lunes sa pamamagitan ni Regional Director Louisa Pastor bilang; Good Financial Housekeeping, Disaster Preparedness, Business-Friendliness and Competitiveness at Peace and Order out of six Local Governance Assessment Areas for the year 2014.

Thursday 3 September 2015

UMANO’Y MIYEMBRO NG NPA, DAKIP NG TROPA NG 49TH INFANTRY BATTALION SA CAMARINES SUR

Arestado ng tropa ng 49th Infantry Battalion, Philippine Army ang umano’y aktibong miyembro ng New Peoples Army o NPA sa isanagawang Bayanihan Team Operation sa Barangay Belwang, Lupi, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.

Sa impormasyong ipinadala ni Cpt. Ronnie M. Madrinan, Civil Military Operation – Officer ng 902nd Infantry Brigade, PA, kinilala nito ang nahuling miyembro ng NPA na si Jerry “Don-Don” Necio aka Arnel na may standing warrant of arrest umano mula sa 5th Judicial Region, Branch 64 ng Labo, Camarines Norte na may criminal case no. 12-2252.

Bago rito, nagsasagawa ng Bayanihan Team Operation ang tropa ng Bravo Company sa pamumuno ni 1Lt. Anthony B. Lina, Commanding Officer ng Bravo Company na naka base sa Brgy. Banga, Ragay, Camarines Sur.

Samantala, lubos namang nagpapasalamat si Col. Amador Tabuga Jr, Commanding Officer ng 902nd Infantry Brigade, 9th Infantry Division ng Philippine Army sa mga nagbigay ng impormasyon sa tropa ng pamahalaan para madakip ang nasabing NPA.


 

RADYO SA PIITAN, IKINOKONSIDERA BILANG PILOT PROJECT NG LABO DISTRICT JAIL

Ikinokonsidera ngayon bilang Pilot Project ng Labo District Jail (LDJ) ang pagkakaroon ng Radio Program na “Radyo sa Piitan” na mapapakinggan sa DWLB FM 89.7Mhz tuwing araw ng linggo simula alas 7:00 hanggang alas 8:00 ng umaga.


Sa panayam ng Balitang Probinsya kay SJO4 Arnel Lagatuz, warden ng Labo District Jail sinabi nito na ang nasabing programa sa radyo ay itinuturing nilang pilot project sa ilalim ng kanyang pamumuno bilang warden dahil sa buong unit umano ng District Jail sa buong Bicol Region tanging LDJ lamang ang kauna-unahang nagkaroon ng programa sa radyo na tumatalakay sa mga programs and projects ng Bureau of Jail ganun din ang pagbibigay daan sa talambuhay ng mga inmates.


Ang Radyo sa Piitan sa DWLB FM 89.7Mhz ay hosted by JO1 Karen Kaye A. Elnar na tinanghal din bilang Regional Female JNCO of the Year kasabay ng pagtanggap ng LDJ bilang Best District Jail of the Year.


Dahil dito labis ang pasasalamat ng LDJ sa pangunguna ni SJO4 Lagatuz sa pamahalaang lokal sa pamumuno ni Mayor Joseph V. Ascutia at Vice Mayor Jojo Francisco sa pagbibigay ng pagkakataon na magkaroon ng programa sa radyo ganun din sa Station Manager na si SM Alvin Galvez Bardon sa pagbibigay ng pahintulot na maisakatuparan ang nasabing programa.





BUSIG-ON JOB FAIR, NAGSIMULA NA! MGA APLIKANTE NAGSISIPAGDSAAN NA SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Nagsisipagdagsaan na ang mga aplikante mula sa ibat ibang lugar ng Camarines Norte upang mag apply ng trabaho sa isinasagawang Busig-on Job Fair ng lokal na pamahalaang bayan ng Labo, Camarines Norte ngayong araw sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO).


Sa pakikipag-ugnayan ng Balitang Probinsya kay sa tanggapan ng PESO, nabatid na nasa 17 agencies mula sa local employment ang nagsasagawa ngayon ng recruitment habang 2 agencies sa overseas employment para sa mga gustong magtrabaho bilang Domestic Helper.


Inaasahan na dadagsa pa ang mga aplikante bago magtapos ang recruitment mamayang alas 5:00 ng hapon kung saan isang araw lamang ito na gawain.


Ang Busig-on Job Fair ay isinasagawa sa 3rd Floor ng LGU-Labo, Camarines Norte bilang bahagi ng pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary ngayon buwan na trabahong handog ni Mayor Joseph Ascutia para sa kanyang mga kababayan.




PAGIGING BEST DISTRICT JAIL OF THE YEAR NG LABO DISTRICT JAIL, DI RAW INAASAHAN – SJO4 ARNEL LAGATUZ

Hindi raw inaasahan ng Labo District Jail na muling mapipili bilang Regional Best District Jail of the Year.


Ito ang sinabi ni SJO4 Arnel Lagatuz, ang warden ng LDJ sa panayam ng Balitang Probinsya.


Ayon kay SJO4 Lagatuz, hindi nila akalain na sila ang muling tatanghalin bilang District Jail of the Year sa kabila ng kabuuang 23 unit ng District Jail sa buong Bicol Region ang naglabanlaban para sa nasabing titulo.


Kinonsidera umano dito ng kanilang Regional Office ang pagkakaroon ng maraming benefactors ng LDJ kumpara sa ibang District Jail na kinabibilangan ng LGU-Labo, Provincial Government of Camarines Norte, Office of the Representative ng First District, Non-Government Organization, Individuals at marami pang iba.


Kabilang sa ipinagmamalaki ng LDJ ay ang pagkakaroon ng maayos na sistema ng pamamahala sa loob at labas ng nasabing piitan sa ilalim ng pamumuno ni SJO4 Lagatuz, pagkakaroon ng Multi-purpose Covered Court, Firing Range, programa sa radyo na tinawag nilang “Radyo sa Piitan” sa DWLB FM 89.7Mhz, completion ng second floor ng LDJ na ngayon ay nagagamit na at marami pang iba.


Tumanggap din ito ng Certificate of Recognition mula sa lokal na pamahalaang bayan ng Labo sa pamumuno ni Mayor Joseph V. Ascuita at Vice Mayor Severino H. Francisco Jr.


Samantala, naghahanda naman umano sila ngayon para sa National Level competition kung saan lahat na ng mga District Jail ang maglalaban-laban sa buong Pilipinas na muling umaasa na masusungkit ang kampeonato.


Sa kabilang dako, nagpaabot naman ito ng taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga benefactors sa walang saying pagsuporta, ganun din sa lahat ng kanyang mga tauhan sa maayos na pakikiisa at pagtutulungan para maabot ang nasabing pwesto at sa patuloy na reporma sa mga inmates ng kanilang piitan na tinawag nilang “Masayang Tahanan” at lalong higit sa kanya umanong pamilya.







Wednesday 2 September 2015

HON. KING MAGUNDADATU NG ARMM REGION, INAASAHAN DARATING SA BAYAN NG LABO SA ISASAGAWANG TODA DAY SA SEPT. 5, 2015

Inaasahang darating si Hon. King Magundadatu, VMLP President ng probinsya ng Maguindanao ARRM Region, Chair, Comm. on Political Affairs, Vice Mayor's League of the Philippines sa darating na Setyembre 5, 2015 sa pagsasagawa ng TODA Day bilang panauhing pandangal.

Sa nasabing araw, bibida ang mga Tricycle Drivers and Operators sa bayan ng Labo, Camarines Norte kung saan umaabot sa 1,650 units ng mga tricycle.

Nais kasing ma break ng bayan ng Labo ang record ng Cauayan City, Isabela sa Guinness World Book of Records sa nasabing araw.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte. 

40 ANYOS NA PADRE DE PAMILYA, ARESTADO DAHIL SA KASONG LIBELO SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Arestado ang isang 40 anyos na taga P-2 Brgy. Tulay na Lupa, Labo, Camarines Norte ng mga operatiba ng Labo PNP dahil sa kasong kinakaharap nito sa batas.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Roderick Mago y Velante, 40 anyos na nahaharap sa apat na kasong libelo na isinampa ng kampo nina Mayor Joseph V. Ascutia.

Una rito, isang warrant of arrest ang ipinalabas ng korte sa pamamagitan ni Hon. Roberto Escaro, Acting Presiding Judge ng RTC Br. 64, Labo, Camarines Norte noong July 22, 2015 kaugnay sa apat na kasong libelo na may criminal case no. 15-2790, 15-2791, 15-2805 at 15-2806 na may P10,000.00 pesos bail recommended bawat kaso para sa pansamantalang kalayaan.

Sa ngayon si Ginoong Roderick Mago ay humihimas na ng bakal na rehas sa detention facility ng Labo PNP upang harapin ang kanyang kaso na naaresto bandang alas 9:50 kaninang umaga sa Barangay Bulhao, Labo, Camarines Norte.

Kung maalala, sinampahan ni Mago ng kasong administratibo at criminal case ang kampo nina Mayor Ascutia at Vice Mayor Jojo Francisco  at apat na iba pa dahil umano sa mabilis na pagpapatupad ng proyekto na di umano'y hindi dumadaan sa tamang proseso subalit ibinasura ito ng office of the ombudsman dahil sa kawalan umano ng merito at kabiguang makapag presinta ng mga kaukulang dokumento na magdidiin  sa kaso na isinampa n'ya sa nasabing opisyal.






RANK NO. 2 SA DROGA, ARESTADO NG MGA OPERATIBA NG JOSE PANGANIBAN PNP

Humihimas na ngayon ng bakal na rehas sa detention facility ng Jose Panganiban PNP ang isang 36 anyos na lalaki na kinilalang si Miguel Rosales y Cabrera ng P-1 Brgy. Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Ayon sa mga awtoridad, si Rosales ay nahaharap sa kasong paglabag sa section 11 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na may warrant of arrest na inisyu ni Hon. Presiding Judge Roberto A. Escaro ng RTC Br. 38 na may petsang Agosto 17, 2015 na may P200,000.00 bail recommended para sa pansamantalang kalayaan.

Nabatid na rank no. 2 sa Municipal Most Wanted Person si Rosales sa talaan ng Jose Panganiban PNP ngayong buwan ng Setyembre 2015 na naaresto kahapon.

PAGLALAGAY NG PWESTO SA PEDESTRIAN LANE PARA SA NIGHT MARKET SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE, IPINAGBABAWAL NG LABO PNP!

Mahigpit na ipinagbabawal ng Labo PNP ang paglalagay ng pwesto para sa night market sa pedestrian lane sa bayan ng Labo, Camarines Norte kaugnay sa pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival at 215th Foundation Anniversary ngayong buwan ng Setyembre 2015.

Sa panayam ng Balitang Probinsya ngayong umaga kay Police Superintendent Geoffrey Fernandez, Acting Chief of Police ng Labo PNP, sinabi nito na mahigpit nilang ipinagbabawal ang paglalagay ng pwesto sa mga tawiran dahil nakasaan umano ito sa batas trapiko.

Dahil dito, makikipag-ugnayan umano sila sa pamunuan ng Labo Municipal Employees Association (LMEA) hinggil dito kasunod narin umano ng ilang mga reklamo ng ilang mga motorista at kababayan dahil meron parin umanong mga hindi sumusunod sa nasabing patakaran.

Ang Night Market ay bahagi ng selebrasyon ng Busig-on Festival kung saan  mabibili ang ibat ibang pagkaing turu-turo sa bayan ng Labo.

3 KATAO, ARESTADO DAHIL SA BARAHA SA BAYAN NG MERCEDES, CAMARINES NORTE

Bakal na rehas ngayon ang hinihimas ng 3 katao sa halip na baraha sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.

Bandang ala 1:30 kahapon ng arestuhin ng mga operatiba ng Mercedes  PNP sina Henry Vega y Tibes, 44 anyos, may-asawa, Carlo Pascual y Ibis, 36 anyos, may-asawa at isang Odessa Elizario y San Rafael, 35 anyos, kapwa mga residente ng P-2 San Roque, Mercedes, Camarines Norte.

Inaaresto ang mga ito dahil sa paglalaro ng 'Tong-its'.

Sa ngayon, nanatiling nasa kustodiya ng Mercedes PNP ang mga akusado at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 na may 2,000 pesos bail recommended para sa pansamantalang kalayaan nito.

49 ANYOS NA LALAKI SA BAYAN NG PARACALE, CAMARINES NORTE, NAGPAKAMATAY DAHIL UMANO SA SELOS?

Kusang nagpasalubong kay kamatayan ang isang 49 anyos na lalaki na kinilalang si Salvador Ramos y Mendoza, may live in partner, residente ng P-2 Brgy. Mangkasay, Paracale, Camarines Norte kamakalawa sa pamamagitan ng pagbigti sa loob ng kanyang kwarto.

Base sa salaysay ng ka live in partner nito na si Nelly Obin y Delos Santos sa Paracale PNP, nagseselos umano ang biktima sa kanyang kasama sa isang small mining operation na hinihinlang dahilan ng pagpapakamatay ni Ramos.

Sa ngayon, patuloy na pinaglalamayan ang labi ng biktima sa isang funeraria sa nasabing bayan.


10K NA MGA TILAPIA FINGERLINGS, PINAKAWALAN NG LGU-LABO SA BUSIG-ON RIVER

Umaabot sa sampung libong tilapia fingerlings ang pinakawalan ngayong umaga ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Labo, Camarines Norte sa Busig-on river kasabay ng isinasagawang river games kaugnay parin sa pagdirawang ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte.

Ang paglalagak ng mga tilapia fingerlings  sa nasabing ilog ay taunang isinasagawa ng lokal na pamahalaan  tuwing magdiriwang ng Busig-on para na rin umano mapanatili ang magandang huli ng mga mangingisda sa lugar.

Sentro pa rin ng mensahe ngayon ni Mayor Joseph V. Ascutia sa pagsisimula ng river games ay ang tungkol sa pagpapaunlad ng turismo.

Ayon kay Mayor Ascutia, mahalaga na mabigyan ito ng pansin dahil malaki ang maitutulong nito sa pag-angat ng ekonomiya bayan ng Labo, kapag may maayos na sistema ng turismo sa lugar.

Bagamat aminado ang opisyal na kailangan ng malaking pondo, manpower para dito at iba pa, pero kaya umano itong maabot sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan.

Ganito rin ang naging mensahe ni Vice Mayor Severino H. Francisco Jr sa kanyang mga kababayan kung saan hiningi rin nito ang pagkakaisa ng lahat tungo sa minimithing pag-unlad ng bayan.





59 COUPLES, NAKATAKDANG MAG-ISANG DIBDIB MAMAYA SA ISASAGAWANG MASS WEDDING SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Umabot sa 59 na pareha ang nakatakdang mag-isang dibdib sa isasagawang Mass Wedding o Kasalang Bayan ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Labo, Camarines Norte mamayang ala 1:00 ng hapon na gaganapin sa Labo Sport Complex.

Ayon kay Mrs. Noemi V. Pareja, Municipal Civil Registrar Officer sa bayan ng Labo, Camarines Norte, sinabi nito gagawin nilang kakaiba ang isasagawang  civil wedding kung saan ang magkakakasal ay si Mayor Joseph V. Ascutia.

Ang nasabing mga couples ay pawang mga taga Labo lamang na ang iba ay nagsasama na ng mahigit sa limang taon.

Samantala, nakatakda naman dumating si Mrs. Anabelia Barquilla, Provincial Statistic Officer ng PSA Camarines Norte bilang panauhing pandangal kung saan inaasahan na magbibigay ito ng mga mahahalagang mensahe para sa maayos na  pagsasama ng mag-asawa.

Sa huli, inaanyayahan ni Pareja ang mga mamamayan ng panoorin ang isasagawang mass wedding dahil sa kakaiba nila umanong preparation  na nasabing okasyon.







TURISMO, SENTRO NG MENSAHE NI MAYOR ASCUTIA SA PAGSISIMULA NG 17TH BUSIG ON FESTIVAL AT 215 FOUNDATION ANNIVERSARY NG LABO, CAMARINES NORTE

Naging sentro ng mensahe ni Mayor Joseph V. Ascutia kahapon sa pagsisimula ng 17th Busig on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte ang pagpapaunlad ng turismo sa lugar.

Ayon kay Mayor Ascutia, ang taunang pagdiriwang ng Busig on Festival ay daan upang makahikayat ng maraming turismo na makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya at kabuhayan ng mga Laboeno.

Patuloy nila umanong dene-develop ang mga turist spot sa bayan ng Labo, Camarines Norte gaya ng mga sumusunod na mga Destination;

Tourism Destination 

Waterfalls
  • Saltahan Falls - barangay Awitan
  • Palanas Falls - barangay Pag-asa
  • Maligaya Falls - barangay Submakin
  • Binuan Falls - barangay Daguit
  • Malatap Falls - barangay Malatap
  • Burok-Busok Falls - barangay Bagong Silang II
  • Turayog Falls - barangay Fundado

Caves
_________________________________________________________________________________
  • Mt. Cadig Cave - sa Mt. Cadig, Barangay Bayabas
  • Mambuaya Cave - barangay Fundado
  • Pintong Gubat

Maliban dito, ibinida rin nito ang mga proyektong patuloy na isinasakatuparan sa bayan ng Labo, Camarines Norte gaya ng planong pagpapagawa ng Grand Terminal na isa sa pinakamalaking terminal sa Camarines Norte pagdating ng panahon.

Ganun din ang patuloy na pagsasaayos ng mga drainage system sa lugar para maiwasan ang mga pagbaha.

Sentro rin ng Ascutia Administration ang pagpapaganda ng sistema ng edukasyon kung saan patuloy ang pagbibigay  educational assistance sa mga paaralan kasabay ng pagpapagawa ng mga school buildings at marami pang iba.






PINAKAMAHABANG PARADA SA PAGBUBUKAS NG 17TH BUSIG-ON FESTIVAL KAHAPON, NAITALA SA KASAYSAYAN NG BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE?

Sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan kahapon sa pagsisimula ng pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary ng bayan ng Labo, Camarines Norte, bumuhos parin ang mga laboeño sumama sa isinagawang parade kung saan binagtas nito ang kahabaan ng National Highway patungo sa Labo Sport Complex bilang bahagi ng pagsisimula ng selebrasyon.


Bandang alas 8:00 kahapon ng umaga ng umusad ang nasabing parade na pinangunahan nina Mayor Joseph V. Ascutia at Vice Mayor Severino H. Francisco Jr. na tumagal ng halos sa mahigit isang oras na nilahukan ng ibat ibang organisasyon, NGO’s, Paaralan, National Agencies, Barangays, LGU-Employees at iba pang indibidwal.


Ayon kay Vice Mayor Severino H. Francisco Jr, ito na umano ang pinakamahabang parade sa kasaysayan ng pagdiriwang ng Busig-on Festival sa bayan ng Labo, Camarines Norte sa kabila ng malakas ng ulan ay hindi inalintana ng mga laboeños.


Dahil dito, lubos ang pasasalamat nina Mayor Ascutia at Vice Mayor Francisco sa kanilang mga kababayan sa pagsuporta sa pagdiriwang ng 17th Busig-on Festival.

Bago ang nasabing parada, isang banal na misa ang isinagawa sa St. John the Apostle and Evangelist Church na sinundan ng Flag Raising Ceremony na ginawa sa baba ng Munisipyo ng nasabing bayan na dinaluhan ng mga opisyal ng bayan at mga mamamayan.


Ang nasabing pagdiriwang ay magtatapos sa Setyembre 8, 2015 kung saan tampok sa huling bahagi ng pagdiriwang ay ang Barangay Night na dadaluhan naman ng 52 na barangay ng bayan ng Labo bilang pasasalamat sa mga ito sa patuloy na pagsuporta sa tuwing may okasyon ang Labo, Camarines Norte.


LGU LABO, TUMANGGAP NG SERTIPIKO MULA SA DEPARTMENT OF INTERIOR AND LOCAL GOVERNMENT

Isang sertipiko ng pagkilala ang iginawad ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lokal na pamahalaan ng bayan ng Labo, Camarines Norte.


Kahapon sa pagsisimula ng 17th Busig-on Festival at 215 Foundation Anniversary, personal na inabot ni Director Louisa Pastor, Officer in Charge ng Department of Interior and Local Government (DILG) Region V kay Mayor Joseph V. Ascutia ang nasabing sertipiko ng pagkilala kung saan out of six local governance assessment areas, nasungkit ng bayan ng Labo ang pagiging;

1.  GOOD FINANCIAL HOUSEKEEPING
2.  DISASTER PREPAREDNESS
3.   BUSINESS-FRIENDLESS AND COMPETITIVENESS
4.   PEACE AND ORDER

Ayon kay Dir. Pastor, isa sa pinakamahalaga ay ang pagiging peaceful ng bayan ng Labo, Camarines Norte.

Add caption
Pinuri rin nito ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Joseph Ascutia sa maayos na implementasyon ng mga proyekto at tamang paggamit ng pondo ng gobyerno para sa taongbayan.


Sa huli, sinabi ni Pastor na bubuhos ang mga proyekto mula sa kanilang tanggapan sa bayan ng Labo sa susunod na taon dahil sa magandang performance umano nito kasabay ang pagpapaabot ng suporta sa Ascutia Administration.