Mahigpit nang ipagbabawal ngayon sa Camarines Norte ang paggamit ng mobile phones habang nagmamaneho ng kahit na anong klaseng sasakyan matapos na aprubahan sa Sangguniang Panlalawigan ang ordinansang magpapatupad sa batas na ito.
Sa panayam ng Balitang Probinsya kay Board Member Renee F. Herrera ang may akda ng ordinasa bilang 12-2015 na tinawag na "Anti-Mobile Device Use While Driving Ordinance" sinabi nito na napapanahon ang pagpasa ng Sangguniang Panlalawigan sa ordinansang ito dahil marami na ang naaaksidente sa kalsada sa paggamit ng mobile phone habang nagmamaneho.
Anya, nawawala ang konsentrasyon ng mga drivers sa tuwing gagamitin ng mga ito ang kanilang mobile phones alinman sa pagtawag o pagpapadala ng mensahe na nagreresulta sa pagkakaroon ng aksidente.
Base sa ordinance no. 12 - 2015 ang sinumang mahuhuling lalabag dito ay papatawan ng mga sumusunod na parusa: 1st offense- P500.00; 2nd offense- P1,000.00; 3rd offense - P2,500.00 at 4th offense P5,000.00.
Samantala, magkakaroon naman ng massive information dissemination and awareness campaign sa unang anim (6) na buwan ng pagpapatupad nito sa mga drayber sa buong lalawigan ng Camarines Norte.
Dahil dito, isa na rin sa mga huhulihin ng mga kapulisan ay ang mga drayber na gumagamit ng mobile phones habang nagmamaheno maliban sa panghuhuli ng mga colorum, walang lisensya at iba pa.
No comments:
Post a Comment